Pamamaalam sa mga Lumang Kasalanan


Yakapin mo ako sa huling pagkakataon.
Yakapin gaya ng pagyakap ng apoy sa uling:
Mainit, maningas, nagbabaga.

Yakapin mo ako nang tila walang wakas,
Yakap na magtatagal magpakailanman; 
Isang magpakailanman na nais mong magsimula ngayon;
Isang magpakailanman na pilit mong isisilid 
sa isang kandadong kahon upang hindi ka niya matakasan. 

Yakapin mo ako sa huling pagkakataon. 
Yakap na gaya nung una mong pagyakap sa akin:
Yakap na paulit-ulit kong binabalikan
Sa mga gabing nababalot ako ng lamig ng pag-iisa.

Yakapin mo ako sa huling pagkakataon. 
Yakap na tila walang bitaw
Yakap na walang kasing higpit
Yakap na pupukaw sa aking paghinga
Yakap na kayang magmitsa ng aking pagpanaw. 

Yakapin mo ako sa huling pagkakataon
At yayakapin kita nang pabalik.
Sa paraan ng pagyakap ng dilim sa 
Kandilang malamlam at nauupos. 
Yakap na bumabalot, sumasaklob, at nangangain. 
Subalit kumikila at hindi nagkakaila
sa apoy na dati'y may sindi.  

Comments

Popular posts from this blog

The Final Entry

The Good Shepherd

Jesus' Departure